Oplan Semana ng NAIA ikinasa

MANILA, Philippines - Hinigpitan ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang seguridad sa lahat ng mga terminal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pag-uumpisa ng kanilang ‘Oplan Semana Santa’ dahil sa pagdagsa ng mga pasahero rito pauwi ng kani-kanilang mga probinsiya upang doon gunitain ang Holy Week.

Sinabi ni Connie Bungad, tagapagsalita ng MIAA, nakahanda na ang medical team sa mga airport para umalalay sa mga pasahero.

“Hindi biro ang tao sa NAIA partikular sa mga domestic airport dahil araw-araw ay dumadagsa ang mga pasahero dito para pumunta sa kanilang mga probinsiya at ang mga well wishers ay napakarami rin,” sabi ni Bungad.

Gayunman, sinabi ni Bungad na nakahanda rin sila sa pagbalik ng mga pasahero sa Abril 21.

Noong March 23, 2013 ay nagkaroon na ng departure peak at umabot sa 32,729 ang mga pasaherong paalis habang 256 ang domestic departure flights.

Samantala, ipinaalala ni Bungad sa mga lahat ng departing passengers sa NAIA na agahan ng tatlong oras ang kanilang check-in sa mga counters para hindi sila mahuli sa kanilang flight dahil na rin sa grabeng trapik ngayon dulot ng mga reblocking.

 

Show comments