3 Abu Sayyaf patay, 20 sundalo sugatan sa Basilan

MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng rebeldeng grupong Abu Sayyaf ang nasawi, habang 20 sundalo ang sugatan matapos  ang engkwentro ng dalawang grupo ngayong Biyernes sa Basilan.

Sinabi ni military spokesman Lt. Col. Ramon Zagala na nasa 200 sundalo ang kanilang isinabak upang tugisin ang mga bandido sa pangunguna ni Abu Sayyaf commander Puruji Indama sa bayan ng Unkaya Pukan.

Sinubukan umanong mangikil ng mga Abu Sayyaf kaya rumesponde ang mga militar.

Nagsimula ang operasyon ng 4th Infantry Brigade at Joint Special Operations Unit 1 sa Barangay Silangkum bandang alas-2 ng madaling araw.

Nasa 30 rebelde ang unang nakasagupa ng mga sundalo ngunit may dumating na backup ang mga ito, ayon kay Army brigade commander Brig. Gen. Carlito Galvez.

Dagdag niya na nagtago ang mga rebelde sa isang pampublikong paaralan.

Tatlo sa 20 sugatang sundalo ang tinamaan ng bala, habang ang mga nalalabi ay nasugatan ng mga shrapnel.

"We're still pursuing the Abu Sayyaf and there are sporadic fighting and sniping," banggit ni Galvez.

Hindi pa matiyak ng mga awtoridad kung ano ang nangyari sa kilabot na komander ng Abu Sayyaf.

 

Show comments