Henares kay Pacquiao: Good luck!

MANILA, Philippines — Kahit nakabangga ni Bureau of Internal Revenue (BIR) commissioner Kim Henares si Filipino boxing icon Manny Pacquiao dahil sa isyu ng pagbabayad ng buwis, umaasa pa rin ang kalihim na maipapanalo ng boksingero ang nalalapit niyang laban.

Sinabi ni Henares ngayong Huwebes na wish niyang manalo si Pacquiao laban kay Timothy Bradley sa paghaharap ng dalawa sa darating na Linggo.

Dagdag niya na ‘wag na munang isipin ni Pacquiao ang kanyang responsibilidad sa BIR.

Kaugnay na balita: 32% sa kikitain ni Pacquiao vs Bradley inaasahan ng BIR

Nitong nakaraang linggo ay sinabi ni Henares na inaasahan niyang magbabayad ng tamang buwis ang eight-division champion ngunit hindi ito ikinatuwa ng Top Rank big boss na si Bob Arum.

"You gotta be ashamed to yourself, lady. He is the icon of the Philippines fighting anything that he is required to do there’s no reason why he can’t do next Monday or Tuesday rather than two or three days before one of the biggest fights of his career," wika ni Arum.

Sa panayam ng TV5 kay Henares, sinabi ng BIR chief na hindi niya kinukulit ang boksingero.

Kaugnay na balita: Pacquiao mas mababa ang kikitain sa rematch kay Bradley

"Hindi naman ho ako nagre-remind sa kanya, tinatanong lang ako [ng media]. Kung tama ang gagawin n'ya, baka wala naman siyang babayaran sa Pilipinas kasi baka mas mataas ang babayaran n'ya sa Amerika," paliwanag niya.

Hinabol ng BIR nitong nakaraang taon si Pacquiao dahil sa hindi umano pagbabayad ng tamang buwis noong 2008 at 2009 na umabot sa $50 milyon

Show comments