MANILA, Philippines – Sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan ngayong Miyerkules, sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na ipagpapatuloy ng gobyerno ang paglaban para sa kapakanan ng bayan.
Sinabi ni Aquino na mula pa noong World War 2 ay ipinaglalaban na ng mga Pilipino ang teritoryo ng bansa mula sa mga mananakop.
"Sa mga pagkakataong sinasakop ang ating bayan, naging laban na rin natin ang kanilang (veteran soldiers) laban. Noon pa man po, malinaw na sa mga Pilipino, maliit man tayo, kung nasa tama tayo, lalaban tayo," wika ni Aquino sa kanyang talumpati sa Batan.
"Sa araw na ito, ang Araw ng Kagitingan, sabayan niyo naman ako sa pagdeklara: Pilipino ang tumitindig para sa tama," dagdag niya.
Tiniyak din ng Pangulo na hindi na mauulit ang pagkatalo ng Pilipinas sa mga giyera.
"Masisiguro nating hindi na mauulit pa ang madilim na kabanatang iyon ng ating kasaysayan."
Kasalukuyang nakikipag-agawan ang Pilipinas sa China ng mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Iginiit ng Pilipinas na idaraan nila sa tamang proseso ang pag-angkin sa mga teritoryo at kalianman ay hindi makikipaggiyera.