LTFRB nakaalerto na sa Semana Santa

MANILA, Philippines - Bunga ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero, ipinatupad na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang heightened alert status para sa nalalapit na Semana Santa.

Ayon kay LTFRB Chairperson Winston Ginez, ginawa nila ito bilang bahagi ng Oplan Exodus Ligtas Biyahe 2014 ng Department of Transportation and Communications (DOTC).

Sabi ni Ginez, dahil dito, mas mas paiigtingin pa nila ang inspeksyon sa mga terminal ng bus at aalamin kung pasado sa road worthiness test ang mga pampasaherong bus bago bumiyahe.

Maging ang mga driver at mga konduktor ay kailangan din anyang pumasa sa isasagawang random drug test bago nila ito payagang makabiyahe.

Gagawin ng ahensya ang pagbisita sa mga bus terminal ngayon (Lunes), partikular sa terminal ng Sampaloc, Dapitan, España at Lawton sa Maynila upang masigurong ligtas ang mga bibiyahe pauwi ng mga lalawigan.

Magpapatuloy ang heightened alert status ng LTFRB hanggang Abril 20 kung saan inaasahang nakabalik na sa Maynila ang mga nagbakasyon sa panahon ng Kuwaresma.

 

Show comments