Pag-opera kay Napoles di pa tiyak

MANILA, Philippines - Hindi pa matiyak kung anong araw isasailalim sa operasyon ang tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles dahil hanggang ngayon ay mahigpit pa ring minomonitor ang kanyang blood sugar habang ito ay naka-confine sa Ospital ng Makati.

Sinabi ni Dr. Perry Peralta, director ng OsMak, hindi pa rin sila makakapagpalabas ng medical bulletin kaugnay sa kondisyon ni Napoles dahil hindi pa ito naooperahan.

Saka lamang aniya sila maglalabas ng resulta kapag natuloy bukas, araw ng Lunes, ang operasyon subalit hindi pa nga nila matiyak kung tuloy na ito.

Ayon pa kay Peralta, maayos at handa na ang ibang detalye ng magiging surgery nito, ngunit kailangan pa aniyang ikonsidera ang sugar level ng pasyente.

Kamakalawa ay nakipagpulong si Peralta sa mga private doctor ni Napoles na mula sa St. Luke’s Hospital para sa paghahanda sa operasyon nito.

Dagdag pa ni Peralta na lahat nang medical procedure at medical check-up ni Napoles ay kanilang ilalathala sa pamamagitan ng pagpapalabas ng medical bulletin.

Show comments