MANILA, Philippines - Inutos ng Department of Health (DOH) ang pagpapa-recall sa merkado ng ilang produkto ng Newborn Food Products Inc. partikular na ang Lily’s Peanut Butter.
Ayon sa DOH, may mataas na lebel ng aflatoxins ang Lily’s Peanut Butter na 170 grams at nasa ilalim ng Lot No. A1-1026 at may expiration date na May 23, 2014 kaya dapat itong bawiin.
Maaari umanong makapagdulot ng sakit sa atay ang aflatoxins na itinuturing na carcinogenic lalo kapag mataas ang lebel nito. Bunga rin ito ng amag na tumutubo sa mani. Dahil dito hindi na umano ligtas na kainin ang mga palaman sa tinapay.
Nilinaw naman ng kagawaran na ang naturang produkto lang ang ipinare-recall at hindi ang ibang produktong peanut butter.