Justice system tinawag na ‘wheelchair society’

MANILA, Philippines - Pinuna ng isang arsobispo na nagiging kaugalian na o trending na sa justice system ng Pilipinas ang “wheelchair society” at pagkakasakit ng mga indibidwal at opisyal ng pamahalaan na inaakusahan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Tinukoy ni Lingayen-Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz ang pagkakasakit at pagpapa-opera ni Janet Lim-Napoles na inaakusahang mastermind ng 10-bilyong pisong pork barrel scam.

Unang naging miyembro ng wheelchair society si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na sinundan ni dating chief Justice Renato Corona.

Bagama’t welcome development ang paghahain ng kaso laban kina Sens. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa pagkakasangkot  sa 10 billion peso PDAF scam, duda si Archbishop Cruz na mapapanagot ang mga sangkot dahil na rin sa bagal ng justice system sa bansa.

Bukod sa political move ito ng gobyerno, doble ring pasanin ng publiko kapag nakulong ang mga akusado dahil pondo pa rin taong bayan ang gagamitin dahil ikinukonsidera silang mga high profile.

Sa kasalukuyan, ang gobyerno ang nagbabayad ng medical services ni Arroyo na naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center.

Inihayag naman ng PNP mahigit sa P100,000 ang nagagastos kapag inilalabas ng kulungan si Napoles habang P3,000 sa kanyang pagpapa-checkup at hindi malinaw kung gobyerno din ang mabagbayad sa pagpapa-opera nito.

Napailing lamang si Archbishop Cruz na daan-daang libong piso ang gastos ng pamahalaan sa mga high profile inmates habang P50 lamang kada araw ang pondo sa mga karaniwang preso.

Show comments