MANILA, Philippines - Tiwala si Justice Secretary Leila de Lima na babalik pa rin sa Pilipinas ang isa sa mga umano’y sangkot sa pork barrel scam na si Ruby Tuason.
Ayon kay de Lima, hindi niya pinagdududahan ang intensiyon ni Tuazon nang umalis sa bansa, at aniya ay tiyak siyang babalik si Mrs. Tuason sa scheduled na pagbabalik sa Sabado, April 5, 2014.
Binanggit ng kalihim na isa sa mga dahilan kaya siya kumbinsidong babalik sa Pilipinas si Tuason ay dahil nasa ilalim siya ng Witness Protection Program at nag-a-apply na maging state witness.
Pinaliwanag din ni de Lima na may panuntunan na dapat sundin ang sinumang saklaw ng WPP gaya ng pagbalik sa Pilipinas.
Binigyang-linaw pa ng Justice chief na regular ang pakikipag-ugnayan o pakikipag-usap niya kay Mrs. Tuason at batid rin niya ang kinaroroonan nito.
March 2, 2014 umalis ng bansa si Gng. Tuason lulan ng Cathay Pacific patungong Hong Kong.
Pinangako umano ni Tuason sa Senate Blue Ribbon Committee na siya ay muling uuwi sa Pilipinas upang ibalik ang P40-M na bahagi ng kanyang kickback mula sa PDAF anomaly.