Private docs ni Napoles ok sa korte

Napoles

MANILA, Philippines - Pumayag na kahapon ang Makati City Regional Trial Court (RTC) na ang mga napiling pribadong doktor mula sa St. Luke’s Hospital ang manga­ngasiwa sa operasyon ni Janet Lim-Napoles na naka-confine sa Ospital ng Makati (OSMAK).

Ang pagpayag ng Makati City RTC, Branch 150 ay base sa inihaing motion ng kampo ni Napoles na payagan siyang makapamili ng kanyang sariling doktor gamit ang karapatan ng isang pas­yente na nakapaloob sa ilalim na Philippine Medical Association Declaration on the Rights and Obligation of the Patient.

Ayon sa desisyong ipinalabas ni Judge Elmo Alameda, kabilang sa mga doctor na pinayagan ay sina Drs. Elsie Badillo-Pascua; Efren Domingo; Leo Aquizilan; Michael Lim-Villa at Nick Cruz, ang mga ito ang magsasagawa ng operasyon kay Napoles at sila rin ang mangangasiwa para gamutin si Napoles.

Nakasaad pa rin sa desisyon ng korte, na mananatili lamang si Napoles sa OSMAK sa panahon ng kanyang “pre-operative, intra-operative at post-operative procedures”.

Inatasan rin ng korte si Dr. Perry Ishmael Peralta, director ng OSMAK, na magsumite ng progress report sa korte at para sa panig ng tagausig kaugnay sa medical condition ni Napoles pagkatapos ng operasyon nito upang maiwasan umano ang mahabang panahon na pananatili nito sa pagamutan.

Tiniyak naman ni Peralta na hindi naman magtatagal ang pananatili ni Napoles sa Osmak bagama’t wala pang itinakdang araw para sa operasyon nito.

Show comments