Napoles sinopla ng CA
MANILA, Philippines - Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang inihaing petition for certiorari ni Janet Lim Napoles na kumukuwestiyon sa pagsasampa sa kanya ng kasong serious illegal detention sa Makati Regional Trial Court kaugnay sa pagdetine sa whistleblower ng pork barrel fund scam na si Benhur Luy.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Ramon Garcia, pinagtibay ng CA ang desisyon ng Department of Justice (DOJ) na nagsasabing may probable cause para siya ay sampahan ng serious illegal detention case.
Kinasuhan si Napoles sa akusasyon ni Luy na mahigit tatlong buwang ilegal na pagkakadetine sa kaniya.
Ayon sa CA, wala silang nakikitang dahilan para baligtarin ang naging ruling ng DOJ.
Tinukoy pa ng CA na walang batayan ang argumento ni Napoles na nagkaroon umano ng grave abuse of discretion sa panig ng Makati Regional Trial Court nang magpalabas ito ng warrant of arrest laban sa kanya at sa kanyang kapatid na si Reynald Lim.
Ayon pa sa korte, nabigo ang kampo ni Napoles na maghain ng kaukulang pleading sa Makati RTC para kwestiyunin ang inilabas nitong warrant of arrest.
Matatandaang si Luy ay na-rescue ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Marso ng nakaraang taon mula sa kustodiya ni Napoles.
Ang desisyong ito ng CA ay nangangahulugan ng patuloy na pananatili sa bilangguan ni Napoles.
- Latest