Oil hike nakaamba

MANILA, Philippines - Muli na namang nakaamba ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa panibagong pagtataya ng Department of Energy (DOE) sa presyuhan sa internasyunal na merkado ngayong darating na linggo.

Sa kalkulasyon ng DOE,  posibleng tumaas mula sa P.40 sentimo hanggang P.60 kada litro ang halaga ng diesel habang tinatayang aabot naman sa P.10 sentimo hanggang P.15 sentimo ang kada litro ng gasoline habang wala namang impormasyon kung gagalaw ang presyo ng kerosene.

Pangunahing dahilan umano ng pagtaas sa presyo ng inaangkat na petrolyo ang umiinit na panahon na dahilan sa pagtaas sa konsumo sa enerhiya at ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng Estados Unidos.

Isa rin sa umano’y dahilan ng napipintong pagtataas ang lumalalang tensiyon sa Ukraine at ang paghina ng piso kontra sa dolyar na ginagamit na pambayad sa pag-angkat ng mga produktong petrolyo.

Sa ilalim ng umiiral na batas o Oil Deregulation Law, ibinabatay ang presyuhan ng mga produktong petrolyo sa dikta ng pandaigdigang pamilihan ng langis upang makahimok ng kompetisyon.

 

Show comments