MANILA, Philippines - Naniniwala si Senador Bam Aquino na ang laganap na mahinang uri o substandard na mga bakal at mga produkto nito ay siyang nagpalala at nagpalaki ng bilang ng mga nasawi sa mga nakaraang delubyo tulad ng lindol sa Bohol at ang bagyong Yolanda kaya naman nagpatawag siya ng isang pagdinig sa Senado sa darating na Abril 7.
“Ilang daang buhay ang nawala dahil sa mismong paggamit ng “substandard at inferior steel products†sa mga kabahayan, gusali at iba pang imprastruktura,†ang giit ni Aquino na siya ding pinuno ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.
Sa kanyang pagbisita sa pinangyarihan ng lindol sa Bohol, nakita ni Aquino ang dalawang magkatabing bahay lamang kung saan ang isa ay wasak na wasak samantalang ang isa ay matibay pa ring nakatayo. Ito anya ay dahil sa paggamit ng isa ng peke o mahinang uri ng steel reinforcement bars (kabilya).
Matapos ang lindol sa Bohol, nagpadala agad ang Philippine Iron and Steel Institute (PISI) ng mga eksperto para magsuri at pag-aralan ang mga bumagsak na mga gusali. Sa kanilang pagsusuri naman sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda, lumalabas na pareho ang dahilan ng mahihina at bumagsak na gusali. Gumamit din ang mga ito ng mahinang uri ng bakal.
Matagal na ring tiÂnumbok na ang Port of Cebu ang isa sa mga entry points ng smuggled inferior steel products galing sa mainland China ngunit ang pagkalat ng mga ito ay hindi lamang limitado sa Kabisayaan. Sa kanyang resolusyon para alamin ang paglipana ng inferior steel products, binanggit ni Aquino na may mga test operations na ginawa kamakailan sa ilang hardware sa Caloocan kung saan bultong inferior steel products ang kinumpiska at nakatakdang sirain ng DTI Consumer Protection Group.
Hindi lahat ng inferior steel products ay dahil sa smuggling. Ang mga nakumpiska sa Caloocan ay magkahalong uncertified at certified pero mahina o sub-standard pa rin. Ang mga walang logo o sertipikasyon ay malamang na galing sa smuggling samantalang ang mga mahinang klase pero may sertipikasyon ay nagtuturo sa luwag o pagpapabaya sa superbisyon ng DTI sa mga planta ng bakal sa bansa. Trabaho ng DTI Consumer Protection Group ang siguruhing tumutupad sa takdang batayan o standards ang mga planta ng bakal. Sila din ang dapat magsampa ng kaso laban sa mga lumalabag dito.