MANILA, Philippines - Ikinabahala ng Department of Education (DepEd) ang patuloy na pagda-drop out sa paaralan ng ilang mga estudyante.
Kinumpirma ni Education Secretary Armin Luistro na patuloy ang pagtigil sa pag-aaral ng ilang estudyante bunsod ng maraming kadahilanan.
Ilan aniya sa mga ito ay ang pangangailangan ng mga bata na tumulong na sa gawain o paghahanapbuhay ng magulang dala ng labis na kahirapan, habang ang iba naman ay maagang nag-aasawa.
Ilan naman umano ang nagda-drop out dahil sa mahinang katawan sanhi ng malnutrition, paghihikahos sa buhay, at maging matinding problema sa pamilya tulad ng paghihiwalay ng magulang.
Iniulat rin ng DepEd na apat sa bawat 10 batang tumuntong sa Grade 1 ay hindi nakapagtatapos sa high school dahil napipilitan silang tumigil sa pag-aaral bunsod ng maagang naaatang sa kanila ang maraming obligasyon sa pamilya.
Tinayang mahigit sa anim na milyon ang out-of-school youth sa bansa.
Kaugnay nito, ikinasa ng National Youth Commission ang Abot Alam, katuwang ang DSWD at DILG kung saan hahanapin ang mga out-of-school at aakayin na pumasok sa paaralan.