MANILA, Philippines - Muli na namang nakaranas ng harassment ang isang civilian ship ng Pilipinas sa dalawang barko ng China matapos na harangin ito habang naglalayag patungong Ayungin shoal (Second Thomas Shoal) upang maghatid ng pagkain at supply kahapon.
Ayon sa report, nagkaroon ng tension nang iharang ng Chinese troops ang kanilang barko sa barko ng Pilipinas na may kargang food supplies para sa mga sundalong Pinoy na nagbabantay sa Phl outpost sa Ayungin shoal. Taong 1999 pa naka-istasyon sa natuÂrang lugar ang BRP Sierra Madre ng Pilipinas matapos itong sumadsad doon.
Sakay ng hinarang na barko ng Pilipinas ang mga sundalong Pinoy na papalit sa mga kapwa sundalo na kasalukuyang nagbabantay sa Ayungin at mga lokal at international mediamen na nakasaksi sa panibagong panggigipit ng Chinese troops sa pinag-aagawang shoal na nasa bahagi ng Spratly Group of Islands.
Nabatid na isang barko ng CCG na may hull number 3401 ang mabilis na dumaan sa harap ng civilian ship ng Pilipinas at humarang habang naka-posisyon pa ang ikalawang Chinese ship na may hull number 1127.
Agad umanong nagbigay ng babala ang CCG ship sa civilian ship ng Pilipinas at nag-demand na agad na umalis sa lugar dahil illegal umano silang pumapasok sa teritoryo ng China.
Naging pursigido naman ang tropa ng pamahalaan na makapunta sa Ayungin dahil ilang milya na lamang ang layo nito mula sa kanilang kinaroroonan nang harangin ng CCG.
Bunsod nito, bahagyang nagkaroon ng stand off sa pagitan ng barko ng Pilipinas at CCG hanggang sa umano’y payagan silang makatawid at makapunta sa kanilang destinasyon.
Ang panibagong panggigipit ng CCG ay kasunod ng planong paghahain ng Pilipinas ng panibagong kaso laban sa China dahil sa territorial dispute sa arbitral tribunal sa The Hague sa susunod na linggo.
Magugunita na nagÂhain ng protesta ang Department of Foreign Affairs sa Chinese Embassy sa Manila dahil sa ginawang pagbomba ng water cannon at pagtaboy sa mga barko ng Pilipinas na nangingisda sa nasabing lugar. At sa barko na nagtangkang magdala ng supply sa mga sundalo sa nasabing shoal. Agad na ibinasura ng China ang nasabing protesta at iginiit na pag-aari nila ang nasabing shoal na tinawag pa nilang Ren’ai Reef.
Gumugulong na rin ang kasong inihain ng Pilipinas sa China sa arbitral tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) upang hamunin ang 9-line claim ng China kung saan sinakop na nito ang buong South China Sea pati na ang 200 nautical miles exclusive economic zone ng Pilipinas.