MANILA, Philippines - Iginiit ng grupong Karapatan sa pamahalaan na palayain mula sa kulungan ang anak ng yumaong CPP spokesman Ka Roger Rosal na si Andrea Rosal dahil sa kalagayan nito.
Ayon kay Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan, anumang araw mula ngayon ay maaaring manganak ang siyam na buwang buntis na si Andrea kayat kailangang mailabas ito sa kulungan.
Si Andrea ay nahuli ng mga elemento ng NBI kasama ang isang Rafael de Guzman at barangay captain Ruben Gatchalian sa bahay ng huli sa BF Homes, Brgy. 169, Caloocan City Huwebes ng umaga.
Si Gatchalian ay miyembro ng Anakpawis partylist.
Kinukuwestyon ng naturang grupo ang ginawang paghuli kay Andrea at sa mga kasama nito at ang paglapastangan sa kanilang karapatan.
Ani Palabay, hindi namamana ang anumang kaso ng ama sa kanyang anak.
Si Andrea ang diumano’y secretary ng NPA sub-regional military area sa Southern Luzon, na may outstanding warrant of arrest sa kasong murder at kidnapping na inisyu ng Mauban Quezon Regional Trial Court.