MANILA, Philippines - Muling umapela kahapon sa Korte Suprema ang mga kawani ng pampublikong ospital upang ibasura ang pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center.
Ayon kay Bonifacio Carmona, pangulo ng Philippine Heart Center Employees Association (PHCEA), nakikiisa sila sa mga manggagawa at pasyente ng POC laban sa pagsasapribado ng ospital.
Umaasa anya ang kanilang hanay na pakikinggan ng mga mahistrado ang kanilang panawagan at bubuksan ang puso para sa interes ng mga mahihirap na pasyente.
Sinabi naman ni Eleazar Sobinsky, pangulo ng Lung Center of the Philippines Employees Association, walang makukuhang benepisyo ang mga mahihirap na pasyente sa pagsasapribado ng POC, kahit na sinasabi ng gobyerno na magiging pareho ang singil nito sa mga ospital na itinuturing na government owned and controlled corporation (GOCC).
Batay anya sa impormasyon ng Alliance of Health Workers, mas mahal pa rin ang singil sa mga GOCC hospitals kumpara sa mga pampublikong ospital.
Inihalimbawa ng mga ito ang bayad sa chest X-ray sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at Philippine Heart Center (PHC) na halos P500 pero P250 at P290 lang sa San Lazaro at Jose Reyes Hospital.