MANILA, Philippines - Pinayagan na kahapon ng Makati City Regional Trial Court na maoperahan ang tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Sa limang pahinang resolusyon na ipinalabas ni Judge Elmo Alameda ng Makati City RTC Branch 150, pinapayagan na nito si Napoles na operahan sa Ospital ng Makati (OSMAK) sa sakit nitong ovarian cyst.
Nauna rito, hiniling ng kampo ni Napoles na nais nitong magpa-opera sa St. Luke’s Hospital sa Global City, Taguig City, subalit hindi pumayag ang korte sa hirit nito.
Dahil hindi pinaboran ng korte ang hiling na makapagpa-opera sa priÂbadong ospital, pumayag na rin ang kampo ni Napoles na maoperahan ito sa OSMAK.
Wala pa namang itinatakdang petsa ang sala ni Judge Alameda para sa isasagawang operasyon dito.
Sakaling maoperahan na si Napoles sa OSMAK, personal nitong sasagutin ang lahat ng gastusin nito sa pagpapa-opera.
Nabatid na dumadaing nang pagkirot si Napoles na umano’y sangkot sa P10 billion pork scam dahil sa bukol sa obaryo nito.
Matatandaan na noong nakaraang linggo habang nasa pagdinig si Napoles ay isinugod ito sa OSMAK dahil sa naramdamang pangingirot.
Si Napoles ay nakaÂkulong sa Fort Santo Domingo, Santa Rosa, Laguna dahil sa kasong serious illegal detention na isinampa ni pork scam whistleblower Benhur Luy.