Pagbibitiw ng MRT chief hingi

MRT Manager Al Vitangcol

MANILA, Philippines - Matapos ang matinding aberya nitong Miyerkoles sa operasyon ng MRT-Makati station na nagdulot ng pagkasugat ng maraming pasahero, iginiit kahapon ng Commuter Network Group (CNG) ang mabilis na pagbibitiw sa puwesto ni MRT Manager Al Vitangcol.

Binigyang diin ni Sammy Malunes, spokesman ng grupo na hindi na kayang panga­lagaan ng pangasiwaan ni Vitangcol ang MRT kaya’t walang dahilan para manatili pa ito sa kanyang puwesto.

Anya, ang mga walang alam sa tamang pamamaraan sa trabaho at mga ti­naguriang non performing asset ng gobyerno ay dapat inaalis na sa puwesto ni Pangulong Aquino.

Nais din ng grupo na utusan ng Pangulo ang DOTC at LRT administration na i-take over na ang maintenance ng MRT para maiwasan ang mga ganitong aberya.

Una rito ay kinondena ni Malunes ang pamahalaan sa kawalan ng ma­ayos na serbisyo na naipagkakaloob sa publiko na nagdudulot ng ka­pahamakan sa taumbayan tulad ng sunud-sunod na aberya sa MRT.

 

Show comments