Earth Hour sa Marso 29

MANILA, Philippines - Umapela kahapon ang Department of Energy (DOE) sa publiko na makiisa sa gaganaping isang oras na pagpatay ng ilaw para sa pandaigdigang Earth Hour.

Sinabi ni DOE Secretary Jericho Petilla na ang isang oras na pagpatay ng mga ilaw ay isasagawa sa Sabado (Marso 29) mula alas-8:30 ng gabi hanggang alas-9: 30 ng gabi.

Nanawagan din ang kalihim sa publiko na kung maaari ay magtipid nang paggamit ng kuryente ngayong panahon ng summer dahil tiyak na malakas ang konsumo nito.

Aniya, ngayong summer season ay nagiging manipis ang supply ng kuryente mula sa mga planta dahil halos lahat ay gumagamit nito.

Inamin din ni Petilla na ilan pang mga lugar sa Mindanao ang nakakaranas pa rin ng ilang oras na brownout at ito ay lalong lalala pa ngayong panahon ng tag-init.

Una nang nagbabala ang DOE sa posibleng pagpalya ng planta kung magsabay-sabay ang paggamit ng kuryente at posibleng makaranas din ng brownout sa buong Luzon.

Sinabi pa ni Petilla, na isa sa mga solusyon ay ang Interruptible Load Program o ang paggamit ng mga generator ng mga kumpanya para maibsan ang pangangailangan ng kuryenteng galing sa Me­ralco.

 

Show comments