MANILA, Philippines - Hindi isinasantabi ni Senator Cynthia Villar ang posibilidad na muling bumalik sa pulitika ang kanyang asawang si dating Senator Manny Villar at tumakbo sa presidential elections sa 2016.
Ayon kay Villar, mismong ang kanyang asawa ang nagsabi na ang pagiging presidente ng bansa ay maituturing na isang destiny.
“Alam mo kay Manny ang presidency is destiny for him after 2010. Sabi nya kung sayo yan, dadating sayo yan. Kung hindi sayo yan, hindi dadating sayo yan,†pahayag ni Sen. Villar ng tanungin kung ang kanyang asawa ang magiging standard bearer ng Nacionalista Party sa 2016.
Wala naman umanong sinasabi ang kanyang asawa na hindi tatanggapin ang hamon sakaling siya ang ituro ng pagkakataon pagdating ng 2016.
“Hindi naman nya sinasabi na kung talagang sa kanya pinipin-point e, bakit naman he will not take the challenge. Pero kung hindi naman pinopoint sa kanya, why will he do it. Sa kanya ganun e,†sabi ni Senator Villar.
Pero inihayag din ni Villar na hindi pa pormal na pinag-uusapan ng Nacionalista Party ang plano ng partido sa 2016.
Maging si dating senator Villar umano ay handang suportahan ang iba pang NP members na gustong tumakbo sa mas mataas na posisyon.
Kabilang si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano sa mga nagpahayag na ng kahandaang tumakbong presidente ng bansa 2016 samantalang si Sen. Sonny Trillanes naman ang running mate nito.
Maging si Sen. Bongbong Marcos, na miyembro rin ng NP ay sinasabing posibleng tumakbong presidente sa 2016.
“Deserving naman sila, kaya naman nila kasi lahat naman yan popular. It’s a matter only of finding out if you’re popular enough to become president or vice president. Wala namang masama dun,†pahayag ni Villar.