MANILA, Philippines – Matapos hilingin ni pork barrel scam whistleblower Benhur Luy na tanggalin ang freeze order sa kanyang ari-arian, sinabi ni Solicitor General Francis Jardeleza na hindi ito maaari.
Iginiit ni Luy kahapon nang hilingin niya sa Manila RTC Branch 22 na bilang isang testigo ay hindi maaaring ipitin ng gobyerno ang kanyang ari-arian, ngunit sinabi ni Jardaleza na naiiba ang kalagayan ng whistleblower.
"The benefits under the WPP may only be invoked in criminal proceedings. The [forfeiture] case is civil in nature," wika ni Jardeleza.
Kaugnay na balita: Freeze order sa ari-arian ipinatatanggal ni Luy
Pinabulaanan din ng Solicitor General ang sinasabi ng kapatid ni Luy na si Arthur na walang anomalya sa kanyang kinikita bilang seaman na $7,000.
Pero nalaman ni Jardeleza na $3,483 lamang ang kinikita ni Arthur batay sa kompanyang pinagtatrabahuhan niya na Oste Crewng Philippines.
"This cannot explain the huge amounts transacted in Arthur Luy's account during the material dates of the pork barrel scam that reached up to P1 million in one banking day," banggit ni Jardeleza.
Sakop din ng freeze order ang bank accounts ng ina ni Luy na si Gertrudes na nakakitaang tumanggap ng pera mula sa Micro-Agri Business Citizens Initiative Foundation Inc. na isa sa mga umano’y pekeng foundation ng itinuturong nasa likod ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.