2 Media na idinawit sa PDAF scam wala sa affidavit ng mga testigo
MANILA, Philippines - Pinabulaanan mismo ng kampo ng mga testigo mula sa National Agribusiness Corporation (NABCOR) ang lumabas na ulat tungkol sa dalawang media personalities na isinasangkot sa pork barrel fund scam.
Ito ngayon ang lumitaw makaraang maghaÂyag ng paglilinaw hinggil sa isyu si Atty. Levito Baligod, abogado ng mga whistleblower mula sa NABCOR.
Ayon kay Baligod, wala sa affidavit nina Rhodora Mendoza at Victor Cacal na isinumite sa Tanggapan ng Ombudsman ang pangalan ng dalawang media personality dahil wala namang kinalaman sa PDAF ang advertising expenses na ibinayad sa kanila.
Sa isang mensahe sa text, kinumpirma rin ni Justice Secretary Leila de Lima na wala nga ang pangalan ng dalawang brodkaster na sina Erwin Tulfo at Melo del Prado sa affidavit nina Mendoza at Cacal.
Samantala, kinasuhan kahapon ng P12-milion libel suit sa QC Prosecutor’s Office ng broadcast journalist na si Erwin Tulfo ang tatlong editors at isang reporter ng pahayagang Philippine Daily Inquirer (PDI) kaugnay ng umanoy malisyosong panulat ng naturang pahayagan na nagdidiin sa kanya sa kontrobersiyal na PDAF scam.
Sa kanyang apat na pahinang reklamo, ang mga kinasuhan ni Tulfo sa pamamagitan ng abogadong si Atty. Nelson Borja ang mga taga PDI na sina Letty Jimenez-Magsanoc editor-in-chief; Artemio Engracia Jr., news editor; Jose Maria Nolasco, managing editor at Nancy Carvajal, reporter.
- Latest