BIR, BOC bubusisiin ng Senado

MANILA, Philippines - Takda ring busisiin ng isang komite ng Senado kung tama ang kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue at ng Bureau of Customs sa mga kumpan­yang nandadaya umano sa buwis tulad ng ilang kumpanya ng sigarilyo.

Isasagawa ng congressional oversight committee on comprehensive tax reforms (COCCTR) ang hakbang kasabay ng pagsusuri rin nito sa mga excise tax na binabayaran ng mga cigarette company.

Sinabi ni COCCTR Chairman Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara sa isang panayam na muli nilang uungkatin sa BIR at BOC ang resulta ng imbestigasyon nito sa naturang mga kumpanya.

Nagbunsod sa pana­wagang ito ni Angara ang umano’y malawakang smuggling ng tabako kaya artipisyal na nai­bababa ang halaga ng sigarilyo bukod pa sa mga ulat ng tuwirang tax evasion.

Tinukoy ni Angara ang cigarette maker na Mighty Corporation na makailang ulit nang napapabalita na nahaharap sa malaking problema sa pagbubuwis sa produktong sigarilyo.

Ayon kay Angara, sinasabi ng BoC na isinara na ng ahensya ang warehouse ng Mighty.

“Pero nung tinanong ng senators at congressmen kung ano ang resulta ng kanilang investigation, e ginagawa pa daw yung report. Ang gusto nating makita ay resulta at hindi yung laging ginagawa pa lang,” pahayag ng senador mula Aurora.

“Importante talagang magkatugma yung datos ng BoC at BIR dahil yung tobacco na ginagamit sa produksiyon ng sigaril­yo kung may kahalong imported na hindi dineclare na ini-import, tiyak magsa-suffer ang [tax] collection,” aniya.

Idinagdag ng senador na hindi malinaw ang datos ng BIR at BoC.

“Hindi kami nasiyahan nina Senator Sotto, Marcos at Guingona sa ibinigay ng BIR at BoC, parang kulang-kulang yung datos. Sabi ko balikan natin ang pag-uusap na ‘yan dahil ‘di tayo nasiyahan at maging yung taong pinadala ng BoC ay hindi masyadong alam yung pinag-uusapan,” diin ni Angara.

 

Show comments