MANILA, Philippines - Mismong si Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima ang dumepensa sa ibinabatong akusasyon kay Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron at inihayag na hindi lumala ang kriminalidad sa lungsod tulad ng akusasyon ng mga naghain ng recall election petition laban sa alkalde.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Gen. Purisima na ang pagbabago ng sistema sa PNP kung saan lahat ng krimen maÂging ang nagaganap sa barangay ay dapat na iulat ng kapulisan, taliwas sa dating nangyayari na dinodoktor ng ilang opisyal ang ulat upang palabasin na maliit lamang ang nagaganap na krimen sa kanilang nasasakupang lugar.
Nauna rito’y nagbigay na rin ng ulat si City TouÂrism Officer Ailene Cynthia Amurao kaugnay sa pag-angat ng turismo nitong Enero ng taong 2014 na umabot sa 66,438 kumpara noong Enero ng taong 2013 na umabot lamang sa 61,092 na panahon pa ni dating Mayor Edward Hagedorn.
Sa kanya namang pahayag sa isang radio interview, sinabi ni Mayor Bayron na kung pagbabasehan ang mga nalathala sa ilang peryodiko, ang pangunahing maaapektuhan dito ay ang mamamayan ng lungsod.