MANILA, Philippines - Dahil sa pananakit ng tiyan kaya isinugod kahapon sa Ospital ng Makati (OsMak) ang tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles habang isinagawa ang pagdinig sa Makati City Regional Trail Court hinggil sa motion nitong magpa-opera sa obaryo.
Isinugod si Napoles sa pagamutan, kasama ang mister at abogado nito, maging ang doktor ng Philippine National Police (PNP).
Matapos ipahayag ni Judge Elmo Alameda na submitted for resolution na ang motion nang dumaing si Napoles ng pananakit ng kanyang tiyan kaya humiling sa korte na payagan siyang makadaan sa OsMak para magpa-check-up.
Nagkaroon pa ng kalituhan dahil unang inanunsiyo ng tagausig na sa Philippine National Police (PNP) Hospital sa Camp Crame dadalhin si Napoles, samantalang iginiit ng abogado nitong si Atty Faye Singson na sa OsMak ito dalhin.
Sa huli ay nilinaw ng clerk of court ng Makati City RTC, Branch 150 na si Diosfa Valencia na sa OsMak sa Barangay Pembo isugod si Napoles para sa emergency check-up nito.
Sinabi ni Valencia, na wala itong kaugnayan sa motion nitong pagpapa-opera at napag-usapang ibabalik din ito kaagad sa kanyang kulungan matapos itong suriin.
Mistulang VIP si Napoles, dahil halos anim na sasakyan ang kabilang sa convoy nang ihatid ito patungo sa naturang ospital. Matapos gamutin sa OsMak si Napoles ay agad din itong ibinalik sa kanyang kulungan sa Fort Santo Domingo.