MANILA, Philippines - Apat na probinsiya ang isinailalim sa public storm warning signal no. 1 matapos maging ganap na bagyo na ang low pressure area sa silangang bahagi ng Mindanao, ayon sa state weather bureau ngayong Biyernes.
Namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyong "Caloy" sa 360 kilometro silangan ng Davao city na may lakas na 45 kilometers per hour kaninang alas-4 ng umaga.
Gumagalaw pa kanluran ang ikatlong bagyo ngayong taon at inaasahang tatama sa kalupaan ng Davao Oriental sa loob ng 24 oras.
Nakataas ang signal no. 1 sa Surigao del Sur, Agusan del Sur, Davao del Norte at Davao Oriental.
Tinatayang nasa 180 km silangan ng Davao City si Caloy sa Sabado, at nasa 40 km hilaga ng kaparehong lugar sa Linggo.
Samantala, magiging maulap ang kalangitan ng Visayas at Mindanao na may mahina hanggang katamtamang pag-ulan ngayong weekend.
Mananatili namang maaliwalas ang panahon sa Luzon, kabilang ang Metro Manila, ngunit maaaring magkaroon ng pulu-pulong pag-ulan.