MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagsasampa ng kasong insubordination laban sa nasibak na Task Force Tugis Commander na humuli sa isa sa top 5 most wanted fugitive na si Globe Asiatique President Delfin Lee.
Ayon kay PNP Deputy Director General Felipe Rojas, ito ay matapos hindi idaan ni Sr. Supt. Conrad Capa sa grievance committee ng PNP ang hinaing nito kaugnay sa biglaang paglilipat dito sa Police Regional Office (PRO) 7 kasunod ng pagkakaresto sa housing magnate na si Lee.
Una rito, sinabi ni PNP Chief P/Director General Alan Purisima na promosÂyon ang paglilipat kay Capa bagay na pinalagan ng opisyal na nakapagbitaw ng maanghang na salita sa kaniyang superior.
Dahil panahon ng kuwaresma sinabi naman ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng PNP-Public Information Office na time out muna ang PNP sa parusang ipapataw kay Capa pero tiniyak na may naghihintay na disciplinary action laban dito matapos ang paggunita sa Mahal na Araw.
Ayon kay Rojas dapat sana ay idinulog na lamang ni Capa sa komite ang kanyang reklamo sa desisyon ni Purisima para umano napag-usapan ng husto.
Gayunman, naiintindihan umano niya ang sitwasyon ngayon ni Capa at nirerespeto din umano nila ang ginawa nitong pag-iingay sa media.
Binigyang diin din ni Rojas na walang kinalaman ang pag-aresto ng grupo ng Task Force Tugis kay Lee sa pagsibak kay Capa bagay na hindi pinaniwalaan ng nasaÂbing opisyal na sinabing gumana ang impluwensya ng housing magnate kaya siya natanggal sa posisyon.