MANILA, Philippines - Nagpahayag ng patuloy nilang pagtitiwala kay Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron ang mga residente ng lunsod na ito sa kabila ng petisyong inihain ng mga kalaban nito sa pulitika sa Commission on Elections para magpatawag ng recall election laban dito.
Ginawa nila ang pahayag kasunod ng petisyong inihain ng isang lider na si Al Babao at political lobbyist na si Joey Mirasol na humihiling sa Comelec na magpatawag ng recall election laban kay Bayron dahil wala umanong tiwala rito ang mga residente ng naturang lunsod.
Pero kumalat sa social media sa internet ang reaksyon dito ng mga tagasuporta ni Bayron na nagpahayag ng patuloy nilang kumpiyansa sa alkalde.
Sinabi ng mga netizen na dapat tapusin ni Bayron ang kanyang panunungkulan at kumandidato na lang sa susunod na eleksyon ang sino mang gustong humalili sa puwesto nito.
Mariing pinabulaanan ni Bayron na bumagsak ang industriya ng turismo sa lungsod dahil sa kasalukuyan ay umaabot pa sa 22 kada araw ang bumibiyaheng eroplano upang bumisita sa nabanggit na siyudad at hindi aniya totoong lumalala ang kriminalidad dito.
Nais lamang aniya apurahin ng kalaban sa pulitika ni Bayron ang pagpapatalsik dito dahil sa pinatutupad nitong reporma, na umani ng positibong reaksiyon.
Naniniwala ang alkalde na hindi rin matanggap ng kanyang mga kalaban ang pagkatalo kahit batid ng mga ito na hindi siya gumugol ng malaking halaga at hindi rin gumamit ng dahas at pandaraya noong nakaraang halalan.