MANILA, Philippines - Kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na pork barrel scam, nais ng isang Senador na siyasatin din nila ang Malampaya scam.
Sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na kailangang malaman kung sino ang mga dapat panagutin sa umano'y pambubulsa ng P900 milyon na pondo ng Malampaya gas na nakalaan sana para sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng noong 2009.
"This is another atrocity that has been committed against the Filipino people who are still in outrage over the P10-billion pork barrel scandal. Dapat nating malaman kung sino ang mga ito at parusahan," wika ni Cayetano.
"Alam naman natin kung gaano ang pinsala sa buhay at sa kabuhayan ang dala ng mga bagyong Pepeng at Ondoy, lalo na sa ating mga magsasaka. Itong P900 million ay dapat nagamit upang sila ay tulungan na makabangon," dagdag niya.
Sinabi pa ni Cayetano na dapat ay makapaglabas na ng report ang Senate Blue Ribbon Committee at isunod na ang imbestigasyon sa Malampaya scam.
"Hiningi ko sa kanya (Senador Teofisto Guingona) na dinggin at simulan ang hearing sa Malampaya scam para ang bawat isyu na lumabas ay ma-imbestigahan upang makita ng mamamayan kung sino ang mga nangungurakot at kung saan napupunta ang pondo," pahayag ni Cayetano.
Nakapagsagawa na ng 10 pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee kung saan humarap na rin sa imbestigasyon sina Janet Lim-Napoles, Benhur Luy, Ruby Tuason at Dennis Cunanan.
Idinidiin sa pork scam sina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Juan Ponce Enrile.