‘Ang gusto ko lang tumulong’ – Petilla

MANILA, Philippines — Iginiit ni Energy Secretary Jericho Petilla na handa siyang lisanin ang puwesto kung hindi na kinakailangan ang kanyang serbisyo.

Sinabi ito ni Petilla kasunod ng mga paratang sakanya ni Senator Sergio Osmeña sa umano’y kapalpakan niya sa pagresolba ng krisis sa kuryente.

Dagdag niya na hindi siya natatakot iwanan ang puwesto.

"Hindi naman ako kinakabahan," wika ni Petilla sa isang panayam sa radyo ngayong Lunes. “'Di ako kakapit kung hindi na ako kailangan."

Mula nang italaga sa puwesto ni Pangulong Benigno Aquino III si Petilla noong 2012 ay hindi pa rin siya kinukumpirma ng Commission on Appointments (CA).

Dahil din dito ay nainis ang Senador kay Aquino dahil sa hindi pagsunod sa kanyang mungkahing sibakin sa puwesto si Petilla.

"Karapatan ng bawat  miyembro ng CA na hatulan ang bawat appointees kagaya ko dahil dapat talaga yan. Prerogative nila," komento ni Petilla.

"Ang sinabi ko naman inuulit ko hindi naman tayo nag-aambisyon ng ganitong posisyon. Ang gusto lang natin ay tumulong at magserbisyo," dagdag niya.

Iginiit din ni Petilla na bago pa siya umupo sa puwesto ay naroon na ang problema sa supply ng kuryente sa Mindanao.

Ngunit tiniyak ng kalihim na sa susunod na taon ay masosolusyonan na ito dahil sa mga ipinagawang power plant.

Una nang nagbitiw sa puwesto si Petilla nitong Disyembre matapos hindi maibalik ang supply ng kuryente sa lahat ng residente na naapektuhan ng bagyong Yolanda ngunit tinaggihan ito ni Aquino.

 

Show comments