MANILA, Philippines - Dapat din umanong papangutin sa batas ang mga kasabwat ni Delfin Lee sa P6.6 bilyon bousing scam sa Pampanga.
Ayon kay CBCP-NASSA national director Manila auxiliary bishop Broderick Pabillo, hindi makakakilos ang developer na si Lee na may-ari ng Globe Asiatique kung wala itong kasabwat sa sangay ng gobyerno sa pabahay gaya ng Pag-ibig Fund.
Inaasahan ni Bishop Pabillo na hindi lamang papanagutin ang mga may sala sa anomalyang ito kundi maibalik din sa mga biktima ang kanilang pinaghirapang pera.
Ikinalungkot pa ng Obispo na ang mga biktima ay pawang mamamayang nagsisikap upang magkaroon ng sariling matitirhan.
Sinabi ni Bishop Pabillo na matagal ng naghihintay ang taongbayan sa kasalukuyang administrasyon kung kailan nito masasampolan at mapapanagot sa batas ang mga maiimpluwensiyang tao at mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian.
Hindi anya dapat maging lider ang mga opisyal na ito na nasasangkot sa katiwalian.