MANILA, Philippines - Numero unong pinakamatinik at may sa palos magtago si ret. Major Gen. Jovito Palparan, isa sa “Big 5†high profile fugitive na tinutugis ng tracker teams ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang inamin ng sinibak na si Task Force Tugis Chief P/Sr. Supt. Conrad Capa na sinabing nasira ang momentum ng kanilang operasyon upang madakip ang nalalabi pang apat sa mga high profile fugitives matapos siyang tanggalin sa puwesto.
Una nang nasakote ng Task Force Tugis ni Capa ang isa sa Big 5 na si Delfin Lee, Presidente ng Globe Asiatique na sangkot sa P6.6 multi-bilyong housing scam. Si Lee ay nadakip ng mga operatiba ni Capa sa Hyatt Hotel sa Ermita, Manila nitong Marso 6.
Aminado rin ang opisÂyal na dismayado rin ang kaniyang mga tauhan sa pagkakasibak ng kanilang hepe sa puwesto pero dahil mga propesyunal ang mga ito na karamihan ay mga intelligence operatives ay gagawin ng mga ito ang kanilang trabaho upang madakip ang nalalabi pang apat sa Big 5.
Bukod kay Lee, tinutugis din sina dating Dinagat Rep. Ruben Ecleo na sangkot sa kasong parricide sa pagpatay sa misis na si Elena Bacolod may ilang taon na ang nakakalipas; magkapatid na dating Palawan Gov. Joel Reyes at dating Coron, Palawan Mayor Mario Reyes.
Ang mag-utol na ReÂyes ang sinasabing mastermind sa pagpatay kay Dr. Gerardo “Gerry†Ortega, brodkaster sa Puerto Princesa City noong EneÂro 2011.
Habang si Palparan naman ay itinuturong nasa likod ng misteryosong pagkawala ng dalawang UP student na sina Sherlyn Cadapan at Katherine Empeno noong 2006.
Sinabi ni Capa na pinakamadaling hulihin sa Big 5 si Lee habang si Palparan naman dahil dati itong commander ng iba’t ibang himpilan ng militar ang pinakamahirap dakpin.
Ayon sa opisyal, may mga tinutumbok ng lead ang Task Force Tugis sa magkapatid na Reyes, Ecleo pero halos negatibo ang nakukuha nilang impormasyon pagdating kay Palparan.
Dagdag pa nito na bilang isang dating mataas at magaling na opisyal ng Philippine Army, alam at posibleng basa na ni Palparan ang ilan sa kanilang galaw lalo’t dati ring taga tugis ang wanted na retiradong heneral ng mga kriminal na pinaghahahanap ng batas.