MANILA, Philippines — Hindi maaaring gamitin ni Senador Jinggoy Estrada ang kuha ng closed-circuit television camera (CCTV) sa Senado upang linisin ang kanyang pagalan sa pork barrel scam, ayon sa kampo ng provisionary state witness Ruby Tuason.
Sinabi ng abogadong si Dennis Manalo na pinapatotohanan ng kuha sa CCTV ang sinumpaang salaysay ng kanyang kliyente na pumasok si Tuason sa gusali ng Senado noong 2008.
Dagdag niya na hindi maaaring sabihin ni Estrada na hindi siya nakatanggap ng kickback mula kay Tuason kung tanging ang CCTV lamang ang pagbabasehan.
Nitong kamakalawa ay pinuna ni Estrada sa kanyang privilege speech na wala namang dalang duffel bag si Tuason taliwas sa sinabi ng testigo sa kanyang salaysay.
Isiniwalat din ni Estrada na kumita rin ng P242 milyon si Tuason sa Malampaya scam bukod pa sa P40 milon sa pork scam.
"As far as the Malampaya funds scam is concerned, let us be clear about it, the P242 million did not go to Mrs. Tuason, she denies it, it did not go to her," wika ng abogado.
Iginiit ni Manalo na P40 milyon lamang ang kinita ni Tuason bilang middle man sa pagitan nina Estrada at dating chief of staff ni Senador Juan Ponce Enrile na si Gigi Reyes.
Sinabi pa ng abogado na inaasahan na nila ang mga mapanirang pahayag ni Estrada.
"We prepared for this. We compiled documents expecting this will happen," banggit ni Manalo.