MANILA, Philippines - Malamang na maharap sa dalawang mabigat na kaso ang isang lokal na kumpanyang gumagawa ng sigarilyo dahil sa diumano’y pag-iwas nito sa pagbabayad ng tamang buwis.
Sa hearing ng Congressional Oversight Committee on the Comprehensive Tax Reform Program (COCTRP) na pinamumunuan ni Senador Sonny Angara sinisilip ang posibleng pagkakasangkot umano sa smuggling at tax evasion ng Mighty Corporation, isa sa mga nangungunang tagagawa ng murang sigarilyo sa bansa.
Inamin ng kinatawan ng Bureau of Customs (BOC) na sinuspindi na nila ang permiso para makapag-angkat ng raw materials para sa sigarilyo dahil hindi umano magtugma ang kantidad ng inangkat nito sa dami ng mga nagawang finished product.
Ayon sa BOC, hindi umano maipaliwanag ng kompanya kung paano lumaki ang kanilang produksiyon gayung maliit lamang na bahagi ang kinukuha nito sa mga lokal na magsasaka ng tabako.
“Suspended na po ang Mighty ngayon,†ani Cecil Soriano, officer in charge ng Financial Service ng BOC.
Isiniwalat naman ni BIR Assistant Commissioner for Large Taxpayers Service Alfredo Misaujon na 24 oras na bantay sarado ng kanilang mga tax agents ang bodega ng Mighty para malaman kung gaano kalaki ang dapat nilang bayarang buwis.
Inihayag naman ni Angara na hindi sinasadyang naituon ang atensiyon ng pagdinig sa Mighty.
“Ang Mighty kasi ang madalas na nababasa natin sa pahayagan tungkol sa mga ganitong usapin sa pagbubuwis kaya siya ang nabanggit dito sa pagdinig,†ani Angara.