Honor Code ng PMA tatanungin ng Palasyo kung kailangan repasuhin

Hindi makakapagtapos sa Philippine Military Academy si Aldrin Jeff Cudia. File photo

MANILA, Philippines – Tumangging magbigay ng komento ang Malacañang sa posibleng pagpabaligtad ni Pangulong Benigno Aquino III sa desisyon ng Philippine Military Academy (PMA) na sipain ang isang kadeteng umano’y lumabag sa kanilang Honor Code.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na ang tangi lamang nilang gawin ay tanungin sa PMA kung kailangan na bang repasuhin ang kanilang Honor Code.

"The best thing that I can do is I will ask the chief of staff (Emmanuel Bautista) if there's a need to review the Honor Code system," wika ni Lacierda ngayong Miyerkules.

Hindi makakapagtapos ang dapat sana’y salutatorian na si Aldrin Jeff Cudia matapos sipain ng PMA dahil sa umano’y pagsisinungaling at pagiging-late sa klase.

Iginiit ng PMA na nilabag ni Cudia ang kanilang Honor Code na “cadets don’t lie, don’t cheat and don’t steal.

Nagpadala naman ng mensahe ang ama ni Cudia kay Pangulong Aquino na hinihiling na manaig ang hustisya sa kinakaharap ng kanyang anak.

Nakatakdang magbigay ng talumpati si Aquino sa araw ng pagtatapos ng PMA sa Linggo.

Samantala, sinabi ni Public Attorney's Office chief Persida Acosta na iaapela niya ang kaso ni Cudia sa pinuno ng AFP at kay Aquino.

Nanawagan naman ang Palasyo sa publiko na huwag husgahan ang buong PMA.

"I suppose one rotten apple should not spoil the entire bunch. You may have some bad eggs there but it should not say that the system is bad because of one or two or three who are perceived to have not honored the Honor Code," sabi ni Lacierda.

Show comments