MANILA, Philippines – Matapos sabihin ng National Statistics Office na aabot sa tatlong milyong Pilipino ang walang trabaho, nagbabala ang pinakamalaking grupo ng mga manggagawa sa bansa na madaragdagan pa ito.
Sinabi ng Trade Union Congress of the Philippines ngayong Miyerkules na aabot sa 700,000 college graduate ang daragdag sa bilang ng mga walang trabaho.
Sa pinakabagong survey ng NSO lumabas na umakyat sa 7.5 percent nitong Enero 2014 ang unemployment rate mula sa 7.1 percent nitong nakaraang taon ng kaparehong buwan.
Kaugnay na balita: NSO: Tatlong milyong Pinoy tambay!
Dagdag ng pag-aaral na nasa 2.96 milyon ang walang trabaho mula sa 39.31 milyon na labor force ngayong 2014.
"It’s not easy to dampen the hopes of new graduates but based on these data we do not see college graduates finding jobs right away," wika ng tagapagsalita ng TUCP na si Alan Tanjusay.
Itinuturo naman ni executive vice president ng Associated Labor Unions-TUCP na si Gerard Seno ang kawalan ng trabaho dahil sa palpak na pagpapatupad ng mga job-generating industry-led roadmaps.
"It suggests that many (foreign or domestic) investors are reluctant to invest because the concerned government actors failed to act on the high cost of electricity, the lack of basic modern infrastructures, rampant smuggling, changing rules, declining peace and order, graft and corruption and judicial red tape," pahayag ni Seno.
Dagdag niya na hindi rin epektibo ang job fairs ng Department of Labor and Employment.