‘Dry spell’ ngayong Abril ikinabahala

MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pagkabahala si Albay Gov. Joey Salceda sa napipintong dry spell o matinding tagtuyot na maaaring ideklara ngayong Abril, at sa mga epekto nito sa kalusugan, pagsasaka at suplay ng kuryente, tubig at pagkain.

Climate Change ang dahilan ng napipintong tagtuyot, ayon kay Salceda, co-chair ng UN Green Climate Fund (GCF). Maaari umanong magdulot ito ng mahahabang brownouts at pagtaas sa presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Stock Market (WESM). Mga 32% ng kuryente sa Luzon ay mula sa hydro-power.

Ang babala ay batay sa aktuwal ng rainfall readings ng PAGASA nitong Enero, 114.3 mm (sa kabila ng bagyong Agaton at Basyang) at Pebrero, 47.8 mm. Ang 160 mm na pinagsamang  rainfall readings ay 400 mm na mababa kaysa karaniwang 550 mm para sa unang dalawang buwan ng taon.

Ang mga datos ng PAGASA, ayon kay Salceda, ay nagpapakitang kulang ang ulan sa maraming bahagi ng Luzon, kasama na ang Albay. Ang dry spell o tagtuyot ay karaniwang idinedeklara matapos ang tatlong buwang sunod-sunod na mababang rainfall reading at matapos itong Marso, maaaring ideklara na nga ang pakakaroon nito.

Ang babala ni Salceda ay suportado na ngayon ng isang ‘climate watch’ bulletin o ulat ng National Ocea­nic and Atmospheric Administration (NOAA) na “50 porsiyento ang posibilidad na iinit ang tubig sa Pacific Ocean hanggang sa antas ng isang El Niño.”

Ayon sa Albay Provincial Agricultural Services office, mga 200 ektaryang bukid na sinasaka ng mga 196 pamilya sa bayan ng Oas at Camalig ang apektado ng kakulangan ng ulan at mahigit na sa P112 milyon ang pinsalang nagawa sa mga pananim.

Ipinaliwanag ni Salceda na batay sa mga pag-aaral, higit ang perhuwisyong nagagawa ng kakulangan sa ulan kung ihahambing sa nagagawa ng ibang kalamidad. Bilang co-chair ng GCF, sinisikap ni Salceda na mapanatili ang mataas na antas ng kahandaaan ng lalawigan sa disaster risk preparedness.

 

Show comments