MANILA, Philippines - Ipinalalagay na buÂmagsak ang nawawalang eroplano ng Malaysian Airlines na patuloy na pinaghahanap habang iniimbestigahan ang identification documents ng apat sa mahigit 200 pasahero na sakay ng flight MH 370 matapos lumabas na gumamit ng mga pekeng pasaporte at dokumento.
Sa huling report, wala pang makitang senyales ng nawawalang eroplano. Bagaman may nakita nang tagas ng gas sa karagatang sakop ng Vietnam ang search team ng Vietnamese military, hindi din matukoy kung bumagsak dito ang nasabing eroplano na may sakay na 239 katao.
Ayon sa European officials, dalawa sa apat na kuwestyonableng dokumento ng mga pasahero ay napag-alamang gumamit ng ‘nakaw’ na passport habang dalawa ay inaalam pa ang kanilang pagkakakilanlan.
Sa kabila nito, hindi pa mabatid ng mga awtoridad kung may pag-atake sa eroplano na siyang isa sa mga sinisiyasat sa ngayon.
Humingi na ng tulong ang Malaysian Defense at Transport Ministry sa international intelligence kaugnay sa iniimbestigahang apat na pasahero.
Nabatid na isa rin sa mga pasahero na nasa manifesto ay hindi sakay ng eroplano at nasa kanyang bahay lamang sa China.
Hiningi na rin ang tulong ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) kaugnay sa posibilidad na nagkaroon ng pag-atake sa nasabing eroplano.
Walang inulat na masamang lagay ng panahon nang mawala ang eroplano na umano’y lumihis ng direksyon bagaman wala pang malinaw na indikasyon na nagkaroon ng pananabotahe dito.
Kaugnay nito, nagpaÂsalamat ang pamahalaang Malaysia sa limang bansa kabilang ang Pilipinas na tumutulong na mahanap ang nawawalang eroplano na pinaniniwalaang bumagsak habang patungong Beijing noong Sabado.
Sa report, pinasalaÂmatan ng Malaysia ang Pilipinas, Estados Unidos, Vietnam, China at Singapore sa agarang pag-alok ng tulong para sa isinasagawang search opeÂrations.