‘Mga abogado isali rin sa shame campaign ng BIR’

MANILA, Philippines - Iminumungkahi ni Marikina Rep. Miro Quimbo sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawakin pa ang shame campaign nito laban sa mga propesyunal tulad ng mga abogado na hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Sinabi ni  Quimbo na pabor siya sa pagpuntirya ng BIR sa hanay ng mga doktor subalit dapat din umanong idamay ang iba pang propesyunal tulad ng mga abogado.

Subalit hindi naman umano dapat na masamain ng mga doktor at abogado ang paghahabol sa kanila ng BIR dahil ipinapatupad lamang ng ahensiya ang batas sa pagbubuwis.

Malinaw naman umano ang nakasaad sa records ng BIR na ang mga doktor at abogado ang pinakamahinang magba­yad ng buwis at sadyang hindi nag-iisyu ng resibo sa kanilang mga pasyente at kliyente.

Mas malaki pa umano ang nasisingil na buwis sa hanay ng mga manggagawa dahil walang choice ang mga ito sapagkat awtomatiko na ang kaltas sa sahod ng mga ito.

Dahil dito kayat hinikayat ni Quimbo ang mga pasyente ng mga doktor at kliyente ng mga abogado na humingi ng resibo sa bawat binabayaran para masingil ang mga ito ng tamang buwis ng gobyerno.

Show comments