Enrile, misis inilaglag si Atty. Gigi - Miriam

MANILA, Philippines - Naniniwala si Senator Miriam Defensor-Santiago na magkatulong na inilalaglag ni Senate Mino­rity Leader Juan Ponce Enrile at asawa nitong si Cristina ang dating chief of staff ng senador na si Atty.  Gigi Reyes na sabit ngayon sa P10 bilyong pork barrel fund scam.

Ayon kay Santiago, maliwanag na inilalaglag ni Enrile ang dating chief of staff upang maging “stand alone culprit” lalo pa’t inihayag kamakailan ni Cristina na hind magagawa ng kanyang asawa (Enrile) na tumanggap ng kickback mula sa mga proyekto.

Naawa si Santiago sa kanyang kapitbahay at kaibigan na si Reyes dahil inihuhulog ito ngayon matapos sabihin ng mga testigo na ito lamang ang naka-transaksyon nila tungkol sa pork barrel funds ni Enrile.

“She [Reyes] never showed me anything but a pleasant and accomodating disposition…So I grieve as a neighbor and as as friend of Atty. Gigi Reyes that she is now being, in Tagalog, hinuhulog, na siya lang ang may kasalanan,” sabi ni Santiago.

Naniniwala si Santiago na front lamang ni Enrile si Reyes kaya ito ang kumakausap sa mga nakaka-transaksiyon tungkol sa PDAF ng kanyang boss.

Sinabi ni Santiago na kung gustong maghiganti ni Reyes, maaari nitong isoli ang diumano’y kickbacks na natanggap nito at mag-aplay na state witness laban kay Enrile.

 

Show comments