Napoles susi sa katotohanan - De Lima

MANILA, Philippines - Muling iginiit ni Justice Secretary Leila De Lima na manatili sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City ang itinuturong nasa likod ng bilyung bilyong pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.

Sa ika-siyam na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Huwebes ay muling napag-usapan ang palilipat kay Napoles sa regular na kulungan dahil sa hindi niya pagbibigay ng impormasyon sa umano'y maanomalyang paggamit sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Naniniwala si De Lima na darating ang panahon ay isisiwalat na ni Napoles ang kanyang mga nalalaman sa pork scam.

"Sa ngayon hindi siya nagsasalita pero mayroon kaming expectations na magsasalita na siya, huwag tayong magmadali," tugon ng kalihim kay Senador Francis Escudero.

"Sayang 'yung pagkakataon kung magsasalita siya in the near future," dagdag niya.

Isa si Escudero sa mga nagsusulong na ilagay na lamang sa city jail si Napoles dahil aniya'y nais niyang maging pantay-pantay ang karapatan ng mga nasasakdal.

"My problem here is quite simple. Lahat ng milyon o bilyon na ninakaw sa pamahalaan nasa ospital, pero yung nagnakaw ng cellphone o wallet nasa kulungan," wika ng senador.

Pinuna rin niya ang gastos sa seguridad ni Napoles lalo kung ilalabas siya ng Fort Sto. Domingo.

"Ang laki ng ginagastos natin tuwing lalabas siya (Napoles) and yet we don't get anything out of it.

Pero iginiit ni De Lima na hawak ni Napoles ang katotohanan at ayaw niya itong mailagay sa alanganin kapag inilipat siya sa city jail.

"For now, she hasn't mentioned any name. But is that the real situation, is that the truth? I don't think so," sabi ng kalihim

"Pero nanggaling na rin kay Benhur na mayroong iba na dumidiretso kay Mrs. Napoles, ibig sabihin nito ay ang talagang may alam ng lahat ay si Mrs. Napoles."

Sa huli ay sinabi ni De Lima na si Napoles ang susi sa katotohanan.

"We are still hoping that Mrs.Napoles would tell all, because we know she's probably the key to unlock the whole truth."

 

Show comments