Soybeans, maganda sa kalusugan - UPLB

MANILA, Philippines - Lumitaw sa pag-aaral ng  mga dalubhasa sa Institute of Plant Breeding ng University of the Philippines Los Baños (IPB-UPLB) na maganda sa kalusugan at mara­ming benepisyo sa katawan ng isang tao ang pagkain at pag-inom ng ano mang uri ng soybeans products.

Ayon kay Elmer Enicola, researcher ng IPB-UPLB, ang soybeans ay may mataas na protina at calcium, bukod pa ang pagkakaroon nito omega 3, fiber at iba pa kaya tinawag na ‘wonder crop’.

Pinawi rin ni Enicola ang pangamba ng publiko sa paniniwalang nagdudulot ng sakit na gout, rayuma o pagkakaroon ng mataas na uric acid sa dugo ang soybeans.

Aniya, walang katotohanan at walang scientific studies na nagpapatunay na nagreresulta ng sakit na gout ang pagkain ng soybeans.

Ipinaliwanag ni Enicola na ang gout ay mula sa pagdami ng uric acid sa dugo na nabubuo sa fluid sa pagitan ng mga joints  mula sa waste products na galing sa metabolism ng purines.

Ang purines anya ay nakukuha sa pagkain ng karne at atay ng hayop, anchovies, sardines, mussels, bacon, scallops at sobrang pag inom ng alak.

Sinabi ni Enicola,  ang mga beans tulad ng stringbean, chickpea, mungbean at  soyfood tulad ng  tofu, tokwa, taho at soymilk ay may mababa lamang na purines content.

Lumitaw din sa pag-aaral ng UPLB na isang anti-cancer, (prostate at breast) at maganda sa buto ang pagkain at pag-inom ng soybeans product.

 

Show comments