Cha-cha reso ni SB aprub na sa komite

MANILA, Philippines - Aprubado na sa House Committee on Constitutional Amendments ang resolution no. 1  ni House Speaker Feliciano Belmonte para amyendahan ang economic provisions ng saligang batas.

Sa roll call vote na ginawa ng komite, luma­labas na 24 ang bumoto ng Yes samantalang 2 naman ang bumoto ng No na kinabibilangan nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Isagani Zarate at isa ang nag-abstain at ito ay si Pampanga Rep. Oscar Rodriguez.

Kabilang naman sa dumalo sa naturang pagdinig si House Majority leader Neptali Gonzales, kaya’t kinutuban si Colmenares na ang presensya ni Gonzales ay nangangahulugan na ipi­namamadali na ang Cha- cha resolution at kaila­ngan na itong pagbotohan.

Mariin namang pina­bulaanan ni Gonzales ang pahayag ni Colmenares at ipinaliwanag na gusto lamang nitong malaman at makita ang debate ng mga kongresista sa substantial issues ng Cha-cha.

Dahil dito kayat nag-mosyon na si Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal para magkabotohan na sa komite na sinigundahan naman ni Ilocos Norte Rep. Rudy Fariñas.

Tinangka naman itong harangin ni Colmenares at iginiit na idaan muna ang isyu ng Cha-cha sa konsultasyon dahil obligasyon din umano ng mga proponents nito na alamin kung pabor na dito ang publiko.

Giit pa ng kongresista, hindi naman kailangang idaos sa buong bansa ang Cha-cha consultation kundi pwede na ang tig isang konsultasyon sa Luzon, Visayas at Mindanao para alamin kung nagbago na ang pulso ng publiko na dating tutol sa Cha-cha.

 

Show comments