Voters registration sa simbahan at barangay inirekomenda

MANILA, Philippines - Inirekomenda ng Parish Pastoral Council for Res­ponsible Voting (PPCRV) sa Commission on Election (COMELEC) na maglagay ng  satellite voters registration sa mga parokya at mga barangay na may malala­king populasyon.

Naniniwala si  PPCRV chief at dating Ambassador  Henrietta de Villa na mas accessible sa mga botante na magparehistro sa Simbahan dahil kapag araw ng Linggo ay marami ang nagsisimba.

Maliban sa satellite voters registration, inirekomenda rin ng PPCRV sa COMELEC na paigtingin ang information campaign sa voters registration sa pamamagitan ng pag-aanunsiyo sa mga misa sa darating na linggo.

Makakatulong din aniya ng malaki ang pagkakaroon ng voters education at voters campaign sa mga paaralan tulad ng pagsasagawa ng mga seminars, conferences para ipakita at ipaalam sa mga estud­yante ang kahalagahan at kanilang responsibilidad na magparehistro at lumahok sa pagpili ng mga nauupong opisyal ng bansa.

Nagtataka ang PPCRV chair kung bakit hindi pa rin naipapatupad ng poll body ang “biometrics” o finger printing process na tutugon sa problema sa halalan tulad ng flying voters at pagtatanong ng mga detalye sa mga botante.

Matatandaan na una ng sinabi ng COMELEC na 7-8 milyong rehistradong botante mula sa kabuuang 52 milyon ay walang biometrics data o mga digital photographs, signatures at fingerprints.

Ang voters registration ay una ng itinakda ng Co­melec sa Mayo 6, 2014 hanggang Oktubre 31, 2015.

 

Show comments