MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang mga Overseas Filipino Workers na umiwas na malantad sa posibleng pinanggagalingan ng sakit na avian flu matapos ang ulat na nahawaan at namatay sa nasabing sakit ang isang 75-anyos na OFW sa Hong Kong.
Sinabi ni Baldoz, ang pinakamainam na paraan para hindi mahawa ng sakit ay umiwas sa mga hayop na tinamaan ng impeksyon ng avian flu o bird flu.
Paalala ng kalihim, dapat ay umiwas muna ang mga OFW sa pagtungo sa mga poultry, slaughterhouses, animal market at tiyaking maayos na naluto ang karne o meat products kasama na ang itlog.
Para naman sa mga OFW na ang hanapbuhay ay may kinalaman sa poultry work o di kaya ay tumutugon sa avian flu outbreak, pinapayuhan na sumunod sa mga inirekomendang bio-security and infection control practices. Kabilang dito ang paggamit ng tamang personal protective equipment gaya ng surgical masks at panatilihing malinis ang mga kamay.
Pinapayuhan din ni Baldoz ang mga OFW na umiwas muna sa pakikipagclose contact kasama na ang paghalik, pagyakap, paghihiraman ng mga kubyertos o baso lalu na sa mga taong maysakit.
Para naman sa mga nagpapakita na ng sintomas ng H7N9 virus gaya ng lagnat, ubo at hirap na paghiÂnga, makabubuting kaagad na silang magpasuri sa doktor at sakaling nakatakda na silang umuwi, mas mainam kung ipagpapaliban muna nila ang pagbalik sa Pilipinas hanggang sila ay payagan ng doktor na makapagbiyahe.