3 Pinoy guilty sa gun smuggling sa US
MANILA, Philippines - Tatlong Pinoy ang sinentensyahan ng apat hanggang pitong taong pagkakakulong dahil sa pagpupuslit ng matataas na uri ng armas sa Estados Unidos.
Sa report ng Associated Press, kinilala ang tatlong Pinoy na sina Sergio Syjuco, 27, Cesar Ubaldo, 28 at Arjyl Revereza, 27 na napatunayang guilty dahil sa importasyon ng military-grade weapons kabilang na ang grenade launcher, mortar launcher at 12 machine guns sa Los Angeles.
Ayon sa US Justice Department, hinatulan noong Miyerkules si Syjuco ng 7 taong pagkabilanggo, 5 taong pagkabilanggo kay Ubaldo, habang si Revereza ay nakakuha ng apat at kalahating taon pagkakakulong. Kapag nakalabas na ng kulungan, bubunuin pa ng mga ito ang tatlong taong supervised release.
Noong 2010 umano nagsimulang makipag-transaksyon si Ubaldo sa isang Federal Bureau of Investigation (FBI) agent na nagpanggap na prospective buyer ng high-powered weapons para sa US at Mexican drug cartels.
Ipinakilala umano ni Ubaldo ang undercover FBI agent kay Syjuco na siyang nagsuplay ng mga armas habang si Revereza na isang immigration officer ng Bureau of Immigration sa Pilipinas ang nagsilbi umanong facilitator upang malayang maipuslit ang mga armas mula Pilipinas patungong Amerika.
Natiklo ang ilegal na operasyon ng tatlo nang masabat ng US authorities ang mga armas sa Port of Long Beach sa California noong Hunyo 2011.
- Latest