P400-M nanakaw sa ATM

MANILA, Philippines - Umaabot na sa halagang P400 milyon ang ninanakaw ng mga notoryus na sindikato na sangkot sa talamak na Automated Teller Machine (ATM) fraud sa mga bank deposits sa loob ng da­lawang taon sa buong bansa.

Ayon kay PNP Anti Cyber­ Crime Group Director  P/Sr. Supt. Gilbert Sosa, sa kanilang datos noong 2012 ay nasa P175M ang ninakaw ng mga sindikato at noong 2013 ay naitala naman sa P220M ang nakulimbat.

Ibinulgar ni Sosa na kalimitan na ikinakabit ng mga sindikato ang ginagamit nilang skimming plate sa mga ATM machine sa gabi o ma­daling-araw.

Samantala, inimbestigahan na ng PNP Anti-Cyber Crime group ang naarestong si Philippine Navy Lt. Senior Grade Raphael Marcial na nakuhanan ng mga blangkong ATM cards at scanner machine.

Si Marcial ay tinanggal na sa Presidential Security Group (PSG) ma­tapos itong mahuli na nagnanakaw sa ATM machine ng East West Bank sa pamamagitan ng kinopya (cloning) na ATM cards sa Pasong Tamo extention noong gabi ng Pebrero 21.

Ang junior officer ay miyembro ng PMA Bag­hawi Class 2008 at mahaharap din sa court martial.

May nabanggit na grupo si Marcial subalit tumanggi itong ide­talye sa media para hindi maapektuhan ang ilu­lunsad na dragnet operation ng PNP.

 

Show comments