Leprosy at psoriasis, sakit ng 2 residente sa Pangasinan – DOH

MANILA, Philippines - Hindi dapat mag-panic ang publiko sa pumutok na balitang may flesh-eating skin disease na “Necrotizing Fasciitis” na sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Health, ang napaulat na dalawang kaso ng sakit sa balat sa Villasis at Santa Barbara, Pangasinan ay hindi misteryoso kundi Psoriasis­ at ketong o leprosy.

Ang 21-anyos na babaeng taga Sta. Barbara ay may sakit na leprosy subalit dahil sa hindi pagpa­patuloy ng pagpapagamot ay nadevelop umano ang adverse reaction sa mga gamot, habang ang nasa Villasis naman ay may kaso ng Psoriasis.

Hindi rin umano nakahahawa ang Psoriasis, habang ang Leprosy naman ay nakakahawa lamang sa mga close contact o kasama sa lugar subalit ang incubation period nito ay mga ilang taon pa ang bibilangin na tumatagal hanggang sa 10 at 20 taon bago magmanifest. Iba umano ang Necrotizing Fasciitis dahil life threatening iyon at matagalan ang gamutan.

Hindi umano gaya ng Psoriasis na kayang kontrolin kahit na walang lunas at Leprosy na may lunas, at kapag ginagamot na ay hindi na nakahahawa kahit matagalan ang treatment.

Lalong nagpanic umano ang publiko nang iugnay ito ng ilang netizens sa prophecy ng self-titled prophet na si Vincent Selvakumar ng Voice of Jesus Ministries noong Abril  2013 na kakalat at uusbong ang kakaibang sakit sa balat sa Pangasinan.

Ang nasabing indibidwal din ang nanghula sa mga naganap na kalamidal sa Bohol, Leyte, Sulu at ipa pang lalawigan sa Southern Philippines na ikinasawi ng libu-libong tao.

Show comments