MANILA, Philippines - Sa pagputok ng isyu ng rice smuggling sa bansa, isinusulong ng isang mambabatas sa kamara ang parusang habambuhay na pagkakakulong sa mahuhuling rice smugglers.
Naniniwala si Northern Samar Rep. Emil Ong na matitigil ang rice smuggling sa bansa kung may nakaambang mabigat na parusa laban sa mga madadakip.
"I firmly believe that rice smuggling can be eradicated only if the private sector is prohibited from engaging in rice importation and providing stiffer penalties for violations," pahayag ni Ong.
Sinabi pa ni Ong sa inihaing House Bill 3897 tanging National Food Authority lamang ang may karapatang mag-angkat ng bigas.
Dagdag niya na dapat ay hindi rin ito singilin ng iba't ibang buwis, kagaya ng value added tax.
"It shall be unlawful for any person, association, corporation or entity to import rice into any point in the Philippines," nakasaad sa panukala.
Bukod sa pagkakakulong ay magmumulta ang sinumang mahuhuling rice smuggler ng halagang doble sa kanyang ninakaw.
Kung isang opisyal o empleyado ng gobyerno ang mahuhuli ay masisibak siya sa puwesto at hindi na maaari pang mamasukan sa mga opisina ng gobyerno.
Kasalukuyang dinidig ngayon sa Senado ang kaso ng bilyung-bilyong rice smuggling sa bansa kung saan isang "David Tan" ang itinuturong mastermind.
Iniuugnay ang pangalan ng negosyanteng si Davidson Bangayan kay David Tan na ilang beses na ring humarap sa senado ngunit panay ang pagtanggi sa akusasyon.